catalytic converters

Thursday, May 26, 2005

GINTO

Pagpasok sa bahay, aking natagpuan
Isang pares ng batong nagkikislapan.
Sa ‘king paningi’y tunay na hahangaan.
Ng brilyante’t perlas, ‘di mapapantayan.

Mga batong ito ang aking sandalan
At pinakaiingatang kayamanan.
Aninag sa kanila ang kagandahan
Ng isip, kaluluwa, at kalooban.

Sa kanilang kaanyua’y bumubukal
Matuwid na isip at magandang asal –
Aking mga sandigan sa paglalakbay
Tungo sa dulo ng walang-hanggang buhay.

Ang katatagan au likas sa kanila
Anumang apoy ang biglaang magbaga.
Matapos subukin ng mga problema,
A’ngat muli mula sa pagkakadapa.

Kapag ako ay lubos na nalulungkot
At binabalutan ng matinding takot,
Ang kanilang kinang ay mabisang gamut.
Tinik sa puso ko’y tiyak mabubunot.

‘Di lamang kutitap sa ‘king mga mata
Ang dulot na bigay nilang mag-asawa.
Pag-ibig – ‘yan ang pinakamahalaga!
Sa aking buhay, ‘to’y ganap na ligaya.

Maging tulad nila’y ang aking pangarap
Hanggang ako’y dalhin sa tuktok ng ulap.
Bigyan man ako ng milyong tanso’t pilak,
Sila’y ginto pa rin, aking tinitiyak!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home