catalytic converters

Thursday, May 26, 2005

Bituin

Humiga na ako.
Nadama ko ang lambot ng kama
at ang tambok ng mga unan.
Pinisil-pisil ko ang isa
habang ako’y niyayakap ng kumot kong mahaba.
Damang-dama ko ang kaginhawaan,
kahit na alam kong kinabukasan,
bagong umagang may halong lungkot at saya
ang aking makakaharap.

Pumikit na ako.
Unti-unting nawala ang aking naririnig na himig
mula sa silid ng aking nanay.
Naglaho ang halimuyak ng kobrekama.
Habang papalayo ako sa mundo ng aking mga hangarin,
namataan ko,
bilyong mga bituing bumubusilak sa ganda!
Binuksan ko ang palad
at pilit na inabot ang mga brilyanteng nakalutang.
“Sige, lakad pa, takbo!” Sabi ko sa sarili ko
at sa pagtingin ko sa aking paanan
ay madilim na hangin ang sa aki’y umaalalay.
Ibinalik ko ang tanawin sa mga talang
nagpapaliwanag sa malawak na kadiliman.
At matapos ang tila walang-katapusang paghahangad,
nahablot ko ang isa.
Napangiti ang aking mga mata!

Kay lamig sa mga daliri
ang talang aking hawak-hawak.
Pinagmagsdan ko ang kariktang aking dala-dala.
Ang liwanag na bumubukal sa bituing aking yakap-yakap
ay dumampi sa aba kong mukha.
Sa isang iglap, tila lahat ng aking inaasam-asam
ay naisakatuparan.

Matapos ang aking pakikipagtagpo sa mga bituin,
ang aking paningi’y unti-unting nagdilim.
Isa-isang nawala ang mga kislap,
hanggang tatlo, dalawa, isa, wala na.
Bumalik ako sa aking daigdig na pinagmulan
kahit na nais kong huwag nang lumisan.
Naglaho ang dilim na bumabalot sa aking katauhan,
at dahan-dahang nanumbalik ang dakilang liwanag.
Sabi ko sa sarili ko, “Mas mahusay pa ako
sa daan-daang astronomo.”
Ang kailangan mo lang pala’y matulog ng mahimbing,
at sa pagpikit ay isipin ang mga hangarin.
Tunay na mapapasa-iyo ang mga bituin!
Ang mga talukap na puminid sa aking mga mata
ay biglang nabuksan,
at ang handog sa aki’y isang masayang umaga.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home