catalytic converters

Thursday, May 26, 2005

Sa Aking Paglalakad sa Hardin

Sa aking paglalakad sa hardin
Noong ako’y nagtungo sa balong malalim,
Mga mata ko’y nakapansin,
Malapit sa aking paanan,
May isang bulaklak na tinapakan.

Nilapitan ko ang kaawa-awang nilalang.
Ang kanyang anyo ay aking pinagmasdan,
Tiningnan, pinag-aralan.
Kahit na ang aking katauha’y nananaghoy
Sa pag-ibig na tila hindi na magpapatuloy.

Nang matapos ang aking pag-usisa
May kakaibang ihip akong nadama.
Hindi ko na talaga siya makikita pa!
Mga daho’y tuyo sa pagkadilaw
Habang nasisinagan ng haring araw.

Mga petalya niya’y aking hinaplos
At sa aking pagdama, luha ay umagos,
Mula sa ‘king mga mata, tila ligaya ay natapos.
Ang kanyang pulang kagandahan
Ngayo’y nagmistulang kutis ng karimlan.

O, kay bango sana ng iyong halimuyak!
Ngunit ito’y naglaho, kasabay ng pagkawala ng mga patak
Ng ulan na nagpapayabong sa buhay ng lahat.
Kaya ngayon, ang aking abang kaluluwa’y
Wala nang ngiti, wala nang saysay.

Kinuha ko ang bulaklak at ito’y niyakap
Kahit matusok ng kanyang mga tinik ang aking balat.
Ako’y tumakbo sa balon sa halamanan
At ang kanyang mga ugat, aking winisikan
Ng tubig na nakapagbibigay kalakasan.

Binungkal ko ang lupa, dahan-dahang inalis
ang mga batong sanhi ng aking paghihinagpis.
Pilit kong itinayo ang bulaklak, ngunit ito’y lumihis.
‘Di na makatatayo, ‘di na makahahalik.
Wala nang pag-asang buhay ay manumbalik.

Tumayo akong mabigat ang kalooban.
Nawalan na ako ng pag-asang ibalik ang lahat.
Ang hukay ay aking nilawakan
At dahan-dahang ibinaon ang kanyang katawan
Kung saan siya mahihimlay ng walang katapusan.

Nagpatuloy ako sa aking pagtahak sa daan
At pilit na kinalimutan ang mapait na kaganapan.
Inisip ko, may iba pa namang bulaklak dito sa halamanan,
Ngunit alam kong sa kanya’y wala nang makatutumbas!
Tunay na maglalakad na lang ako sa hardin nang mag-isa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home