catalytic converters

Thursday, May 26, 2005

Mga Aral ng Noli: Gabay Tungo sa Strong Republic

Strong Republic. Iyan ang inuulit-ulit na agenda ng kasalukuyang pangulong Gloria Macapagal - Arroyo. Isang hangaring mahirap tuparin, ngunit makadudulot ng maganda sa atin. Sa kasamaang palad, hanggang ngayon ay wala pa tayong makitang gaanong pagpaparandam ng strong republic na iyan. Hindi man lang natin marinig ang himig ng pag-unlad o malasap ang tamis ng tagumpay. At ngayon, mag-eeleksyon na naman. Maaaring mapaltan na naman ang liderato ng isang mas malalang panggulo, este pangulo. Ano nga ba ang kulang at hindi masimu-simulan at matuluy-tuloy ang bisyong ito para sa kinabukasan ng ating bansa?

Sa aking nakikita ay nawawala sa mga lider ng ating lipunan ang isang matibay, matatag, at malinaw na paninindigan. Ang paninindigang ito, paniniwala o prinsipyo, ay makukuha natin sa mga modelo, kasabihan, o gabay. Marami sa mga politikong nangangako ng isang malinis at marangal na pamahalaan tuwing halalan ay nakakalimot. Ito ay dahil sa kakulangan nila ng paniniwala sa mga gabay. Maaari nating maging gabay ang isang bayani ng nakaraan, tulad nina Rizal at Bonifacio, o mga kasabihan tulad ng Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit sa aking paniniwala, ang isa sa mga pinakamatibay at pinakamagandang gabay para sa mga lider ng lipunan ay ang Noli Me Tangere.

Minsan nakatutuwang isipin na karamihan sa katiwaliang naghahari ngayon sa ating pulitika ay taliwas sa mga hangaring nais iparating ng Noli sa mga mambabasa. Siguro naman ay nabasa na ng mga pulitikong ito ang isa sa mga pinakamahahalagang aklat ng lahing Pilipino. Ngunit sa kasamaang palad ay tila mas may alam pa ang mga karaniwang tao sa mga prinsipyo at aral ng aklat na ito kaysa sa mga lider na mismong gumagawa ng mga kasalanang tinuligsa ng Noli. Anu-ano nga ba ang mga kasalanan ng mga makapangyarihang Kastila noon na nais baguhin ng Noli at ituro ang mga masamang dulot ng mga ito sa mga lider ng lipunan? Anu-ano naman ang mga magagandang aral panlipunan, pambansa, at pampulitika ang pilit na itinituro nito sa bayang pinag-alayan ng aklat na ito?

Una, itinuturo ng aklat nito na walang kinikilingan ang katarungan. Sa aspetong ito ay medyo naaamoy ko na ang awtoridad ng katarungan kahit na sa pangulo ng bansa. Ang Kapitan-Heneral na pinakamataas na pinuno noon ng ating bansa ay mismong tumupad sa kagustuhang ito ng Noli. Hindi niya pinaboran ang simbahan kahit na ito ang pinakamakapangyarihang sektor ng lipunan noon. Sumang-ayon pa rin siya kay Ibarra na nagpakita lamang ng paggalang sa kanyang yumaong ama. Naniniwala din siya na di-makatarungan ang panghahagupit ng mga gwardia sibil habang nagpuprusisyon. Ang isang pulitiko ay hindi dapat matukso ng ningning ng salapi o tamis ng kapangyarihan para lamang ibaon sa dusa ang isang taong walang kasalanan at nangangailangan ng tulong. Ang isang tunay na marangal na pulitiko ay may pagpapahalaga sa katarungan.

Dapat ay mayroong pagpapahalaga din ang isang lider ng bayan sa buhay ng tao. Ginamit ni Rizal si Elias na modelo ng isang nilalang na may pag-ibig sa kapwa at may pagturing sa mga tao bilang mga nilikha ng Diyos. Una ay iniligtas niya ang magkapatid na Tarsilo at Bruno. Ikalawa naman ay si Ibarra, na pinag-alayan niya kahit ng kanyang huling hininga. Hindi naman kailangan na ialay mo ang buhay mo hanggang maubos ang iyong dugo. Kailangan lamang ng malasakit sa taong-bayan, at pagkakaroon ng isang malawak na paningin sa kanilang mga pangangailangan. Kaya nga ipinakita ni Rizal ang sentimyento ng mga bandido at pangkarinawang tao sa bawat sitwasyon sa San Diego ay upang magkaroon ng pag-iisip ang mga mambabasa, Ganito pa rin kaya ngayon? Ang di-pagnakaw ng kaban ng bayan ay isang gawain ng pagliligtas sa buhay ng bawat Pilipino, dahil ang yamang ninanakaw ng isang alagad ng pamahalaan ay katumbas sa salaping gagamitin para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mamamayan.

Nasabi ko na rin naman ang konsepto ng pag-unlad ay magbibigay na rin ako ng ilang patunay sa Noli ukol sa kahalagahan ng pag-unlad. Nakita ni Ibarra sa kwento na walang gaanong pagbabago sa kanyang bayang sinilangan maglipas ang pitong taon. Wala siyang nakitang pag-unlad sa mga mamamayan. Nandoon pa rin ang Intsik na nagtitinda sa kanto, ang baku-bakong daan na minsa’y ipinapaayos sa mga preso habang hinahagupit hanggang mamatay, at ang di-maburang hati sa gitna ng mga Indio at Kastila, na ipinakita sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng transportasyong nagsasabi ng iyong uri sa lipunan. Nalulungkot si Ibarra sa akda nang makita niya ang kawalan ng pagbabago. Binubulungan niya ang bawat mambabasa ng Noli na tumayo, at mamuno sa pagpapaunlad ng bayan. Ang mga lider na siyang may kapangyarihan at kasangkapan upang maisagawa ang pangarap na ito ang dapat na mamuno sa pagbabagong-bihis ng ating bayan, hindi sa anyo tulad sa isang AMERIKANO o EUROPEO, ngunit suot-suot ang damit ng isang tunay na PILIPINOng nabubuhay sa kapayapaan at kaunlaran.

Isa pa sa mga aral na dapat manalaytay sa dugo ng bawat lider ay ang pagiging matulungin sa kapwa. Tunay na napakabait at napakamarangal ni Ibarra nang mangako siyang tutulong sa paghahanap sa dalawang anak ni Sisa. Sana’y ang mga pinuno natin ay handing tumulong ng bukas-loob sa kanilang mga nasasakupan. Nawa’y tulungan nila ang ating bayang hanapin ang tunay niyang halaga sa mundo.

Nasyonalismo din ay isa sa mga palamuting dapat isuot ng isang tunay lider ng bayan. Di dapat katulad ni Donya Victorina na halos kumendeng ng tulad sa isang Europea ang isang pinuno ng lipunan. Hindi dapat ipagbili sa iba ang sariling mga mamamayan – para gawing OFW o entertainers sa kahit anong sulok ng bansa. Di dapat isipin ang salaping makukuha sa pagbebenta ng henyo ng sariling lahi, mapa-tao man o produkto, lalo na kung sa isang napakababang halaga. Dapat tulungang magkasamasama muli ang mga pamilyang nawarak ng dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng maraming oportunidad panghanapbuhay, o pagpapaunlad ng ating sistemang pang-edukasyon. Edukasyon nga ba?

Tama! Edukasyon ang isang puwersa din na kailangan ng isang lahi upang umunlad mula sa hirap at pagkaalipin. Kabataan ang pag-asa ng bayan, ilang ulit na binanggit ni Rizal sa kanyang mga akda. Ngunit paano na ang pag-asang ito ng bayan kung hindi makapag-aral ng mabuti? Isang tunay na modelo si Ibarra, na nagnais na magkaroon ng isang paaralan para sa lahat. Tulad din ng kanyang amang si Don Rafael na nagbigay-halaga sa edukasyon na magliligtas sa ating bayan. Ngunit mayroon na ba tayong mag-amang pulitiko na nagkaroon ng malasakit sa edukasyon ng bayan? Maraming mga paraang iminungkahi si Rizal upang mapaayos ang sistema ng pag-aaral dito sa ating bansa. Una ay ang pag-aalay ng libreng edukasyon sa mga kapus-palad. Mahigit sa dalawang daang bata daw na Indio ang nakapagpalista sa paaralang itinayo ni Don Rafael. Ikalawa ay ang pagkakaroon ng isang praktikal na kurikulum, kung saan mas pinahahalagahan ang mga asignaturang makakatulong sa pang-araw-araw na buhay. Isa sa mga pinahalagahan ni Rizal na asignatura ay ang heograpiya. Ang heograpiya ang sumasaklaw sa mga kaalamang panlipunan tulad ng kasaysayan, ekonomiya, wika, kultura, panitikan, at mapa, nagtuturo sa atin ng ating katayuan bilang isang lipunan at ng mga hanggangang topograpikal na nagsasabi ng ating kalayaan bilang isang bayan. Ipinaalala din ni Rizal ang kagalakang dulot ng pagbibigay ng mga insentibo o scholarship sa mga batang mahuhusay at salat sa pera. Si Don Rafael ay nagreragalo ng mga laruan sa mga bata noon sa San Diego. Nawa’y ang mga paraang ito ay maitaguyod na ng susunod na uupo sa Malacañang.

Ilan lamang ang mga aral na ito na iyong matatanawan sa Noli na dapat tumusok sa mga lider na di-namumuno sa isang marangal at mahusay na paraan. Kung ang mga gabay na ito ay susundin lamangng isang lider ng bayan, matatamo nito ang kanyang mga pangarap na mapaunlad ang lipunan at maitatag ang strong republic na pilit nating nais matanawan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home